Alam ko, sobrang tagal ko na dapat magsulat tungkol dito.
Pero ewan ko ba, ang hirap lang paganahin ng utak ko.
August 8, 2011
Kasalukuyan akong nakina Steph dahil dinidibdib namin ang pag-aaral sa Bio 102 lab. Hello naman bones. Mga 7 or 8 na yata kami nakapagsimula dahil syempre, nagrecharge muna kami ng energy - natulog at kumain.
Nang mga bandang 9 na siguro, nandun na si Choy. Nagkkwentuhan lang kami at ewan ko ba, bigla nalang napunta sa kwentuhang pamilya. At hindi ko rin alam kung bakit ko nabanggit yung sinabi ng lola ko bago ako lumuwas.
(Flashback)
Habang kumakain ako, bigla akong tinabihan ni Lola. Tapos sinabi nya saken bigla, "L.A. alam mo ba si Ama, parang nauupos na kandila."
Ako naman, nagulat na lang ako out of the blue niya naman kasi sinabi yon diba. Tapos kinuwento nya nga na parang habang tumatagal palala ng palala yung kundisyon ni Lolo (bago ko pala makalimutan, yung Lolo na tinutukoy ko ay yung sa tuhod na. Tatay siya ng Lola ko, sa father's side) at parang naghihintay na nga lang ng kung ano mang mangyari.
Matagal na rin kasing may sakit si Lolo. Taon na kung bibilangin. Sa haba rin ng panahong yon, ang daming nangyari sa buong pamilya. May mga awayan na ayoko nang isipin pa. Mas masayang alalahanin yung last na birthday nila ni Lola Idang (lola ko naman sa tuhod) kung saan 90 na sila! O san ka naman! Wish ko umabot din ako dun. Pero ang masaya dun ay kahit saglit lang e nagkasama-sama uli kaming lahat, kahit syempre, madami pa ring kulang.
Bago din ako lumuwas, binalak ko na puntahan si Lolo. Sa kabilang bahay rin lang naman siya. Wala lang bibisitahin ko lang. Ang tagal ko na kasing hindi siya nakikita. Tapos makikipagkwentuhan ng kaunti.
Pero ewan ko ba. Hindi ko nagawa ang isa man sa mga yon.
* At babalik na tayo sa Tower 2 - 28 G.
E di nagtatawanan lang kami nung kinwento ko yung sinabi ni Lola. Kasi nga naman, what is sobrang lalim - "NAUUPOS NA KANDILA". At matapos ang ilan pang kalokohan sa buhay, binalikan na namin muli ang sandamakmak na buto sa aming harapan.
Mga isang oras na rin siguro yun, bigla kong naisipang tingnan yung phone ko.
- Gm ni Kim (read. hagalpak. delete. scroll down)
- Gm ni kung sino mang di ko na maalala (read. delete. scroll down)
- GLOBE (read hanggang sa rewards shiznit. delete. scroll down)
- SMS galing kay ate.
Bago ko buksan, akala ko magyayayang maggala si Ate. Kasi syempre, matagal na rin kaming di nagkikita uli.
Pagkabukas ko, apat na salita ang sumambulat sa harapan ko. Apat na salitang nagpatigil ng sandali sa mundo ko (OO ang OA, pero totoo talaga to). Apat na salitang hindi ko alam kung paano ba ang dapat na maging reaksyon ko.
"WALA NA SI LOLO."
...
Luha? Wala.
Ngiti? Imposible.
Gulat? Siksik. Liglig. Umaapaw.
Lungkot? Di maiiwasan.
...
BAKIT?
OO alam ko. Matagal na siyang may sakit. Nanghihina na siya. Minsan nakakapagod mag-alaga. Minsan, nakakatamad bumisita. Minsan, nakakasawa na.
PERO SA HULI, ANG HIRAP PA RIN PALANG TANGGAPIN.
Ang mamatayan ng isang kapamilya, una ito para saken. Hindi ko man ganon kakilala ang lolo ko, ang hirap pa rin palang tanggapin. Pwede bang wala na lang mamatay? Pwede bang makalimutan mo na lang ang isang tao kapag namatay na sila?
Wala ako doon ng mismong oras ng pagkamatay ni Lolo. Tinawagan ko si ate, di siya sumasagot. Tinawagan ko si Papa. Isang ring, Dalawang ring, Talong ring, "HELLO?"
"Pa, totoo ba?"
"Oo anak.
"Hala. Hala, paano po nangyari?"
"E iyon. Diba may sakit na naman talaga. Tapos kanina nung nandito sina Kuya Boy, ayon, naghihingalo na. Tapos ayon."
"..."
"..."
"Ah, e Papa, kamusta sina Lola? Okay lang ba?"
"Oo, okay na naman. Kinakausap sina Ate Mary para sa libing."
"Ah ganun ba. O sige po. Ingat na lang kayo dyan. Ikamusta niyo ko kina Lolo't Lola."
"Sige sige anak. May ginagawa ka ba?"
"Ah wala naman po. Nag-aaral lang. May exam kami bukas e."
"Ah nako anak, wag mo munang isipin yung mga nangyari ha. Mag-aral ka na lang muna."
"Sige po. Bye Pa, ingat."
Pagkababa ko ng phone. Ewan ko, gusto kong umuwi. Oo may exam bukas. Pero ewan ko, may humihila din sakin pabalik sa upuan. "Mag-aral ka na muna." Iyon ang sabi ni Papa.
Hay, wala na nga talaga si Lolo. Gusto kong makita sina Lola. Gusto ko silang yakapin. Mahigpit. Ewan ko, matagal ko nang hindi napapakita kung gaano ako nag-aalala sa kanila dahil nahihiya ako, at ngayong gusto ko nang gawin, ayaw naman akong hayaan ng mga pangyayari.
WALA NA SI LOLO. Pero nandito ako, sa 28th floor. Nakaupo, nagbabasa ng libro, nakikipagtitigan sa mga buto, nakikipagpalitan ng malulutong na tawa, nagugutom, napapagod. Hay, bukas, haharapin ko na naman ang exam. Ang daming gumugulo sa utak ko ngayon. Pero isa lang talaga ang sigurado ko
WALA NA SI LOLO
Martes, exam na namin. Siyempre, mahirap uli. Pero sa wakas tapos na. Pero isa pa lang yon.
Miyerkules
Huwebes
Biyernes. Ang bilis ng araw. Libing na ni Lolo bukas. Pero hindi man lang ako nakadalaw. Bukas, exam na naman. (Pabayaan niyo ko kahit ngayon lang na magsabi nito) LECHE. Bakit ngayon pa?
Balik tayo sa Huwebes, August 11, 2011.
Nagtext sakin si Papa kinagabihan. Pinapauwi niya ako.
"Please Anak, kahit ngayon lang, kahit silipin mo lang si Lolo."
Exam sa Sabado, wala pa akong naaaral.
"Sige Pa, uwi na lang ako bukas ng gabi, 12 pa naman exam ko sa Sabado. Nakakainis nga po e. Hindi tuloy ako makakasama sa libing."
"Okay lang anak. Basta masilip mo lang si Lolo."
"Sige Pa, pasundo na lang bukas."
Okay, kelangan ko na magsimulang mag-aral ngayon. Pero ewan ko ba. Oo ako na ang dakilang procrastinator. Wala pa rin akong nasimulan.
Biyernes ng gabi, Speech 11 performance. MASAYA. yun lang ang masasabi ko. HINDI RIN KAPANI-PANIWALA. Akalain mo nga namang kami ang nagfirst. Ang dami ko sanang kwento tungkol din doon. Pero sa ngayon, wala pa ko sa ganang sabihin ang lahat. Pero masaya. Basta masaya. Salamat sa lahat ng nakasama namin. Hanggang ngayon, di ko pa rin alam kung anong section namin pero go winning class!!! :)))
Alas sais o singko y media na yata iyon nang nakarating ako sa dorm. Naghilamos, nagpalit ng damit, nagayos ng mga gamit at sa wakas, nasa biyahe na ko muli. Pauwi. Para makita sina Lolo't Lola. Si Papa. Sina Ate. Ang buong pamilya. Muli kaming nagsama-sama. Naguwian ang karamihan mula sa malalayong lugar. Para sa isang rason: WALA NA SI LOLO. Kailangan ba talagang mangyari ang ganito para lang magsama-sama uli kaming lahat? *isang mahabang buntong hininga.*
Alas onse y media na yata o mas maaga nang nakarating ako sa bahay. Nagulat ako sa dami ng tao. Hindi ko kilala ang iba. Bisa dito, bisa riyan. Malalayong kamag-anak, wala na talaga akong maalala.
Sunod kong nakita si Lola. Napatitig na lang ako. Di ko alam ang gagawin. Bumisa ako. Mukha naman siyang masaya. Pero halata sa kanya ang pagod. Si Lolo, pagod na rin. Gusto ko silang yakapin. Pero naiinis ako sa sarili ko kung bakit di ko magawa.
At ako naman, syempre, hindi ko pa rin napigilang maghanap ng pagkain. Ang daming pagkain, yun lang ang masasabi ko.
Pagkakain, nagpasama ako kay Lola sa kabilang bahay. Ewan ko, gusto ko na ba talagang makita si Lolo? Antagal na bago ko siya nakausap. Ngayon, hindi ko na pwedeng gawin yon. Ang tagal na bago ko siya nabisahan, ngayon, hindi ko na pwedeng gawin yon. Ang tagal ko na siyang hindi uli nakita. Ngayon, yon na lang ang pwede kong gawin. Di ko na dapat pang ipagkait sa sarili ko iyon. Pati na rin kay Lolo.
Dahan dahan, lumapit ako kay Lolo. Hindi ko makita kung sino ang mga nakaupo na nagbabantay sa kanya. Sa kinahihigaan niya lang ako nakatingin. Hindi ko alam kung anong dapat kong makita. Dahan dahan. Hanggang si Lolo, nasa harapan ko na. Gulat, sigurado ako, iyon ang una kong naramdaman. Bakit di ko na siya makilala?
Ang Lolo ko, puti ang buhok. May matangos na ilong. Maliliit at maiitim na mata. Wala siyang ngipin pero masasaya ang kaniyang tawa. Ang nakakurba niyang likod. Mahahabang binti at paa. Nasaan na ang mga iyon? Isang katawang nakabarong, walang buhay, nakaratay sa kabaong.
Hindi ko maintindihan. Hindi ako mapaiyak kahit sobrang lungkot ang nararamdaman ko. Napatingin ako kay Lola, "O tingnan mo, parang natutulog lang naman si Lolo."
Haaay, siguro nga. Pag nagtagal, darating din tayo sa end line. Ang pagtanggap sa kung ano pa man ang nagyari. Tapos na ang lahat. Wala nang magagawa upang maibalik pa ang dati.
Nagulat ako nang bigla akong tinawag ng Ninang ko. Grabe, ang tagal ko na siyang di nakita. Hello. Absent kasi yung papasko, hindi ko tuloy mafeel. Biro lang. :) Pero namiss ko rin siya. Siya kasi ang pinakamalapit kong Ninang. Pag tingin ko sa kabilang banda ng bahay, nandoon yung mga Tita ko, na halos kasing edad ko rin naman, yung iba tulog na. Ilang araw na silang walang pahinga. Kailangan rin nila iyon. Nakita kong gising ang isa kong Tito. Si Kuya Ekoy, pati na rin si Kuya Darrel, si Ate Jing, yung baby niya, si Jackielyn, si JM, si ate Amor, si Ate Julie Anne at madami pang iba.
Grabe, yung lungkot na naramdaman ko kanina. Halos napalitan lahat. Iba na talaga pag napapaligiran ka ng mga taong alam mong nagmamahal sayo. MISS KO NA SILA. Iyon lang ang masasabi ko.
Kwentuhan na walang katapusan.
Hanggang sa ano ba. Ako ba si Cinderella? Okay narating ko na ang time limit. Balik na uli sa reyalidad. O UP, kailangan mo ba talaga akong parusahan. Pero sabagay, kasalanan ko rin naman e. Kung nag-aral sana ako ng maaga. At kung hindi rin sana ako GC. pwede naman kasing hindi na rin ako mag-aral. Pero iniisip ko rin naman ang magiging consequence pagkatapos. Hindi rin naman makakatulong saken kung hindi ko rin pagtutuunan ang LECHENG exam bukas.
HAAAY. Namiss ko ang kama ko. Yayakapin ko muna uli siya sa susunod na dalawang oras. Alas dos na ata ako nagising. Okay GAME ON. Empty your mind. Kailangan mong magconcentrate kahit ngayon lang. Alas sais, kailangan ko nang umalis. Pero 6:30 na ata ako umalis. Natapos ata akong mag-aral 5:30. Pero hindi ko pa nasasagutan yung prob set. Bahala na nga. Kakayanin to.
Natulog ako uli ng 30 minutes.
Pagkagising ko, naligo muna ako, kumain. At muli, one last time. Kailangan kong puntahan si Lolo. Gusto ko uli siyang makita. Mas mabilis na ko ngayon kaysa nung una. Hindi na ako takot.
Tiningnan ko si Lolo. Kung kailan naman masaya na ako, tsaka naman nagsipatakan yung luha ko. Ang wrong timing talaga.
Habang tinitingnan ko si Lolo. Puro sorry ang lumalabas sa bibig ko. Nagsisisi ako. Bakit hindi ko nagawang maging close sa kanya. Bakit hindi ko nagawang akayin siya habang nandon pa siya. Bakit hindi ko nagawang makipagkwentuhan sa mga pangyayari sa buhay niya. Hindi ko nagawang samahan siya sa pagsasabong. Hindi ko nagawang subuan siya ng mainit na sabaw. Hindi ko nagawang alagaan siya. Ang nagawa ko lang ay magsisi na hindi ko na magagawa ang mga bagay na kaya kong gawin noon kasama siya. Ang nagawa ko lang ay tingnan siya. Habang umiiyak.
"Lolo. Sorry talaga. Kahit sa libing mo, di kita masasamahan."
Pero Lolo, salamat. Kundi dahil sayo, wala sina Lola Cely, sina Papa, si ate, ako. Kundi dahil sayo, wala kami sa kinatatayuan naming lahat. At kundi dahil sayo, hindi ko uli mararamdaman ang saya na makasama muli ang buong pamliya. kahit na madami pa ring kulang. Kundi dahil sayo, wala si Lola Idang na magtataya saken sa Bingo.
Teka, si Lola Idang, kailangan ko siyang makita.
Eto na naman ako, nasa LT. Minumura ang lecheng exam na kahit nag-aral pa ko, hindi ko alam kung paano ko sasagutan.
Hindi ko nakita uli si Lola Idang. Hindi ko siya naakay habang nililibing ang kasama niya panghabang buhay na ngayon ay ibabaon na sa tumpok tumpok na lupa.
"INIWAN NA AKO NG HINDI KO NAMAMALAYAN..."
- huling nasabi na lang ni Lola Idang.
Bago ako lumuwas, lahat sila nagtanong.
"Aalis ka na?"
"Di ka na sasama sa libing?"
Ako:
"Oo e. Sorry talaga."
Ilang beses ko mang murahin ang exam. Ilang beses ko mang piliting ngumiti sa harap nila at ng mga kaklase ko. Wala akong maisip kundi hanggang sa huli, hindi ko man lang nasamahan ang Lolo ko. kahit ngayon lang. TANGINA. Sa ngayon, sobrang inis na inis lang ako sa sarili ko.
Madami akong natutunan sa lahat ng nangyari.
Una. PAGSASAKRIPISYO.
May gusto kang abutin sa buhay. Pero bago mo man makamit ang mga iyon, hindi mapipigilang pumili. magdesisyon. At sa pagdedesisyon mo, may mga kailangan kang bitiwan. May kailangang masaktan. Kahit ikaw mismo.
Pangalawa. PAGSISISI.
Matagal ko nang napatunayan na laging nasa huli ang pagsisisi. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin ako natututo sa mga pagkakamali ko. Ang oras, tumatakbo. Ikaw, nakikiusap ako, wag kang magpaiwan. Gawin mo ang mga bagay na gusto mo. Ang mga bagay na balang araw, kapag binalikan mo, kuntento ka at masaya kang hindi ka nagdalawang isip gawin ang mga iyon. Hindi ka hihintayin ng mundo. Kumilos ka ngayon mismo.
Pangatlo. PAGMAMAHAL
Masaya. Iyon lang ang masasabi ko. Pag alam mong may mga taong kahit gaano pa kayo katagal hindi nagkita, pag muli niyo nang nakasama ang isa't isa, biglang babalik ang mga masasayang alaala. Pag alam mong, may mga taong nag-aalala sayo, nagmamahal. Kahit ano pa man ang mangyari, alam mong kapag kasama mo sila, magiging maayos ang lahat. Kahit minsan lang mangyari ang ganon at sa di pa inaasahang panahon, masaya ako, na nakita at nakasama ko silang muli. Alam ko naman, at nananalig pa rin ako, na hindi pa ito ang huli.
Pang-apat. PAGKAMATAY
Noon, takot akong makita ang isang taong wala nang buhay. Natatakot akong isipin na isang araw, doon rin ang pupuntahan ko. Malamig. Malungkot. Mag-isa. Walang buhay. Pero ngayon ko napatunayan, walang dapat katakutan. Bawat araw, panibagong buhay. Dalawampu't apat na oras na gagamitin upang gawin ang mga bagay na dapat mong gawin. Mabuhay bilang isang nilalang na ginagawa ang mga bagay sapagkat ito na ang huling araw para humalakhak, umiyak, makisama, huminga... MABUHAY. At kapag nakita mo ang sarili mo sa malamig na kabaong, nakangiti kang tatalikod na walang pagsisisi sa buhay.
Madami akong natutunan...
Pero higit sa lahat.
HINDI KO DAPAT MURAHIN ANG EXAM.
nananahimik yung papel e.
YUNG GUMAWA ANG DAPAT KONG ISUMPA.
Pero seryoso, ang daming gumugulo sa utak ko ngayon, pero kahit na buhol-buhol man ang mga iniisip ko ngayon, ang mga natutunan ko sa lahat ng mga nangyari ay maliwanag pa, sa unang sikat ng araw na sumisilaw sa mata ko. Hay umaga na naman pala. Bagong araw. Bangon na. Dalawampu't tatlong minuto at limampung segundo na lang ang natitira.