Isang taon na rin pala.
Hindi ko alam ang dapat maramdaman.
Di ko naman sinasadyang maalala. Pero sinakto mo bro na 1 week before Valentine’s e. #Tinipid :D LOL ANYHOO EMO MODE!
Nakaupo ako ngayon sa mismong lugar kung saan huli tayong nag-usap. Sa lugar kung saan unti-unting nalusaw ang ating mga alaala, ang ating pagmamahal, ang ating mga pangarap. Isang dipang layo, isang haplos ang pagitan. Sinabi mo ang mga katagang hindi ko nais na marinig. Mga katagang nagtulak sa mga luhang matagal kong kinimkim. Mga katagang pumutol sa tanging taling nagbibigkis sa atin.
Nagmakaawa ako, humingi ng tawad, nakiusap na ‘wag kang lumisan. Hanggang sa huli’y kumapit ako sa natitirang pag-asang hindi ko na masilayan. Ngunit ang bawat hakbang mo papalayo’y unti-unti na akong hinatak sa katotohanan.
Umuunti ang bawat salita. Dumadami ang bawat pagitan.
Huling tingin.
Huling ngiti.
Huling yakap.
Mahigpit na mahigpit na yakap.
Huling dampi sa aking noo,
pisngi,
huling dampi ng ating mga labi.
Hindi kita kayang pakawalan.
Ayaw kitang pakawalan.
‘Wag kang lumisan.
Parang awa mo na, ‘wag mo akong iwan.
----
Sumara na ang pinto.
Tinitigan ko ito habang ika’y papalayo.
Tumitig sa kawalan.
Wala ka na. Wala ka na nang tuluyan.
Sumigaw ako hanggang sa maubos ang aking hininga.
Ganito pala.
Ganito pala ang maiwan ng mapait na alaala.
Ganito pala ang mawalan ng halaga.
Sobrang sakit.
Sobrang sakit.
Hindi ko kaya.
Kaya tumakbo ako papalapit sa'yo, umaasang nandoon ka.
Hindi ko inakalang makikita pa kita.
Ang mukhang ilang taon kong hinahanap-hanap.
Ang mga matang ngumingiti sa akin sa umaga.
Ang mga labing dumadampi sa aking pisngi.
Ang mga ngiting pumapawi sa lahat ng pighati.
Nandoon ka. Ngunit hindi para manatili, kundi para ako’y iwanang muli.
Ang mundo ko’y tuluyan nang lumisan.
Binilang ko ang bawat hakbang.
Ang mga huling hakbang na hindi ko na masusundan.
Ang mga dating yapak na kasabay sa daan.
Ngayo’y naiwang mga bakas na lamang.
Hinanap ko ang iyong anino.
Sinundan ng tingin hanggang sa kainin na ng dilim.
Ngayo’y nakatingin na naman ako sa kawalan.
Ilang araw, ilang gabi, ilang buwan,
Bawat sandali ng kahapo’y binabalikan.
Hanggang ngayo’y malinaw pa rin ang nangyari sa nakaraan
Sa nag-iisang gabing hindi ko makakalimutan
Isang taon na rin pala.
Isang taon na.
Isa pang pagkakataon sana.
Ngunit hindi na para sa ating dalawa.
Isang taon na.
Sa wakas.
Kakalimutan na kita.
Sana makalimutan na kita.